MANILA, Philippines - Kung ang Marikina City ang nagdomina sa track and field event, ang Quezon City naman ang namayagpag sa swimming competition ng POC-PSC Batang Pinoy 2012 kahapon sa Marikina Sports Complex.
Sa likod nina Kirsten Chloe Daos at Raissa Regatta Gavino, sumikwat ng anim at limang gintong medalya, ayon sa pagkakasunod, inangkin ng Quezon City ang overall title sa swimming event matapos lumangoy ng tig-dalawang gintong medalya.
Sa kabuuan, kumolekta ang mga QC tankers ng 23 golds, 23 silvers at 13 bronzes kasunod ang Manila (19-21-22) at San Juan City (11-6-0).
Ang mga Marikina tracksters ang nagtakbo ng overall crown sa athletics mula sa kanilang 23 gold, 12 silver at 12 bronze medals sa itaas ng Manila City (20-16-14), Taguig (16-6-1) at Pasig City (6-8-13).
Dinomina ng 13-anyos na si Daos, isang 8th grader sa Immaculate Conception Academy, ang girls 15-under 100-meter butterfly, 800m freestyle, 200m butterfly, 400m freestyle, 200m freestyle at sa 4x50 medley relay.
Ang 12-anyos namang si Gavino, isang 7th grader sa Multiple Intelligence International School, ang namahala sa girls 13-under 100m breaststroke, 800m freestyle, 200m breaststroke, 50m breaststroke at 400m freestyle.
Si Gavino ay hinirang na 2011 elementary division MVP ng Palarong Pambansa.
Nanguna rin ang Marikina sa arnis nang humataw ng 4 gold medals bukod pa sa kanilang 3-1-0 sa taekwondo.
Sumuntok naman ang Mandaluyong ng 3 golds.