7 pang gold sa Maynila
MANILA, Philippines - Pitong gintong medalya, isa rito ay galing kay Dexter Pascua, ang inangkin ng Maynila sa track and field events sa national Capital region leg ng POC-PSC Batang Pinoy 2012 kahapon sa Marikina Sports Complex.
Naghagis si Pascua, miyembro ng San Sebastian track team, ng 24.75 metro sa boy’s 15-under discuss throw event para sa kanyang ikalawang ginto sa sports meet matapos maghari sa discus throw para banderahan ang ratsada ng mga Manileños.
Kumuha rin ng ginto sa kanilang mga events sina Angelica Datohan (girls 13-under 2,000 meter run), John Louie Nilugao (boys 13-under 2,000m run), Christoper Canila (boys 15-under 400m hurdles), Juvilyn Perlas (girls 15-under 2,000m walk), Athena Bianca Alefante (girls 15-under triple jump) at Wenie Carozca (girls 15-under javelin throw).
Sumikwat naman ng anim na gold medals ang Marikina, habang tig-tatlo ang naibulsa ng Quezon City at Taguig.
Binanderahan nina sprinter Johnniel Vargas at jumper Lierence Sayenga ang pananalasa ng mga Marikina trackters sa boys at girls relay events.
Nakasama nina Vargas at Sayenga ng Concepcion, Marikina sa pag-angkin sa ginto sa boys’ 13-under 4X100m sa oras na 51.2 segundo sina Benjo dela Paz at Jeremie Sayo para talunin ang Pasig City at Quezon City.
Nagdomina din si Sayenga sa high jump at nagbida si Vargas sa 400m, habang nanalo din sina Jamie Immanuel Mejia (boys 15-under 110m hurdles) at Sayo (boys 13-under 1,500m).
- Latest
- Trending