Letran si Racal ang sinandigan sa pagwalis sa Baste
MANILA,Philippines - Hindi lamang si Kevin Alas ang maaaring asahan sa hanay ng Letran Knights.
Ito ang ipinakita ni Kevin Racal nang kumamada ito ng mahalagang puntos para makumpleto ng host school ang pagwalis sa San Sebastian gamit ang 82-67 panalo noong Sabado sa 88th NCAA men’s basketball na nilaro sa The Arena sa San Juan City.
Walang takot na hinarap ni Racal ang mas pinaborang Stags nang maghatid siya ng 10 krusyal na puntos sa ikatlong yugto tungo sa paghagip ng ikasiyam na panalo sa 15 laro.
Ang 6’1 na nadiskubre ni coach Louie Alas habang naglalaro sa Coca-Cola Hoopla noong 2010, ay nakapaglista ng season-high 18 puntos, tampok ang 8-of-8 shooting sa charity stripe.
Ang pag-iinit ni Racal ang nagsantabi sa pagkakalagay sa foul-trouble ng kanilang pambatong scorer na si Kevin Alas na tumapos pa rin taglay ang nangungunang 23 puntos.
“Grabe ang work ethic niya,” wika ni coach Alas. “How I wish lahat ng players namin ay ganyan kung magtrabaho.”
Dahil sa ipinakita, si Racal ang hinirang ng mga mamamahayag na kumokober ng NCAA bilang kanilang NCAA Press Corps Player of the Week na handog din ng Accel 3XVI.
Si Racal na naghatid din ng 7 rebonds, 2 steals at tig-isang block at assist sa 31 minutong paglalaro ang ikatlong Knights na ginawaran ng lingguhang parangal matapos nina Raymond Almazan at Alas.
- Latest
- Trending