MANILA,Philippines - Isasampa ngayon ng Perpetual Help ang kanilang protesta sa nangyaring tagisan laban sa Mapua noong Lunes sa The Arena sa San Juan City.
Yumukod ang Altas sa Cardinals, 71-74, upang maapektuhan ang paghahabol sa unang dalawang puwesto sa Final Four.
Tatlong puntos ang itinutulak ng Altas para katigan ang protesta na dedesisyunan muna ni league commissioner Joe Lipa.
Una rito ay ang pagkakatalsik sa unang yugto ni Nigerian import Femi Babayemi dahil sa itinawag na disqualifying foul na sa kanilang pananaw ay dapat na flagrant foul lamang.
Ang ikalawa at ikatlong puntos ay ang miss calls sa mga dapat na fouls kina Jett Vidal at Earl Thompson sa endgame na umano ay nakaapekto sa kinalabasan ng resulta ng laban.
Umaasa ang Altas na papaboran ang reklamo at desisyunan na ulitin ang laban.
Ang pagkatalo ay nagresulta upang makasalo ang Altas sa pagkakatabla sa ikatlo hanggang ikalimang puwesto ng host Letran at Jose Rizal University sa 9-6.