Nabong, Lorenzo humakot ng tig-3 gold sa athletics, Maynila nagparamdam agad
MANILA,Philippines - Sa maulan at malamig na panahon, nagparamdam ng kanilang dominasyon ang Maynila mula sa tig-tatlong gintong medalya nina Vincent Nabong at John Resty Lorenzo sa athletics event ng POC-PSC Batang Pinoy 2012 kahapon sa Marikina Sports Complex.
Ang mga gold ni Nabong, isang 2nd year high student sa San Sebastian College, ay sa boys’ 15-under 5,000m run, 1,500m run at 4x100m relay.
“Pipilitin ko talagang makuha ang mga gold medals sa mga events ko,” sabi ng 14-anyos na si Nabong, lalahok pa sa 800m, 1,500m at 4x400m relay, na kumuha ng ginto sa 3,000m at silver sa 1,500m sa 2011 Batang Pinoy National Finals sa Naga City.
Nakasama ni Nabong si Lorenzo sa pagsikwat sa ginto sa 4x100m relay at nanalo sa long jump at high jump events.
Dalawang ginto naman ang itinakbo ni Gianeli Gatinga ng Taguig sa girls’ 13-under 100-meter dash at long jump mula sa kanyang mga itinalang bilis na 13 segundo at 4.50m na lundag, ayon sa pagkakasunod.
Limang gintong medalya ang sinikwat ng host Marikina mula kina Jasper Aldrian Navoa (9.57m) sa boys 15-under shot put, Joanna Mae Icaranom (14:38.8) sa girls 13-under 2,000m walk, Lierence Sayenga (5.80m) sa boys 13-under long jump, Rizelle dela Paz (1:06.2) sa girls 15-under 400m dash at Jamie Immanuel Mejia (54.5) sa boys 15-under 400m dash.
Ang iba pang kumuha ng ginto sa kanilang mga events ay ang mga tubong Pasig na sina Mariane Audrey Yorac ng Pasig (girls 15-under high jump), Emmanuel Gutierrez (boys 13-under 100m dash) at Erica Corag (girls 13-under high jump).
Sa swimming, tig-tatlong gold medals ang nilangoy nina Raissa Regata Gavino at Kirsten Chloe Daos ng Quezon City.
Dinomina ni Gavino ang girls 12-under 400-m freestyle at 50m breaststroke, habang pinamahalaan ni Daos ang girls 15-under 200m butterfly at 400m freestyle. Kasama rin sila sa tropang nagwagi sa 15-under 4X50m medley relay.
- Latest
- Trending