Tinalo ang Cagayan Valley via 2-0 Sweep Sandugo kampeon na
MANILA,Philippines - Hindi na binigyan ng pagkakataon ng Sandugo-SSC na makaporma pa ang Cagayan Valley nang kunin ang 25-18, 25-22, 25-16, straight sets panalo para angkinin ang pinaglabanang Shakey’s V-League Open title kagabi sa Ninoy Aquino Stadium.
Bitbit ang kumpiyansa na nakuha matapos kunin ang game one sa limang pahirapang sets, tumaas pa ang morale ng Lady Stags sa init ng suporta ng mga tauhan ng Sandugo upang hindi bumaba ang intensidad ng paglalaro tungo sa 2-0 sweep sa best of three title series sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s Pizza.
Si Jeng Bualee ay naghatid ng 12 attacks at 2 service aces at nakakuha pa siya ng matibay na suporta mula kina Utaiwan Kaensing at Suzanne Roces na may tig-12 at Nene Bautista na may 11 upang itala ang Sandugo-SSC bilang ikalawang kampeon sa Open na may ayuda rin ng Accel at Mikasa.
Binitbit ni Honey Royse Tubino ang laban ng Rising Suns sa kanyang 10 hits, kasama ang 9 kills, ngunit wala sa mahalagang labanang ito ang naunang ipinakita na matibay na samahan para makontento sa ikalawang puwesto.
Sina Thai imports Kunbang Pornpimol at Sutadta Chuewulim at MVP Sandra delos Santos ay nagkaroon lamang ng tig-limang puntos upang katampukan ang mahinang laro ng Rising Suns sa labang tumagal lamang ng isang oras at 14 minuto.
“We talked before the game that this is only one game and we should show to everybody that we can do it,” wika ni Bualee na nakuha ang ikalawang titulo sa liga matapos tulungan ang San Sebastian sa titulo sa second conference ng fifth season.
Nanalo naman ang Philippine Army sa Ateneo, 25-17, 25-10, 25-18, para angkinin na rin ang ikatlong puwesto dahil sa mas magandang quotient.
- Latest
- Trending