Lady stags tinalo ang Rising Suns sa game 1
MANILA, Philippines - Sinandalan ng Sandugo-SSC ang husay ng kanilang dalawang Thai imports para kunin ang 25-18, 27-29, 25-14, 13-25, 15-7 panalo laban sa Cagayan Valley sa Game One ng Shakey’s V-League Open Finals kagabi sa Ninoy Aquino Stadium.
Tumipak si Jeng Bualee ng 26 hits kasama ang 24 kills, habang si Kaensing Utaiwan ay mayroong 23 hits na nilakipan ng 16 attack points upang tulungan ang Lady Stags na hawakan ang 1-0 kalamangan sa kanilang maigsing best-of-three championship series ng Rising Suns sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s Pizza bukod pa sa ayuda ng Accel at Mikasa.
“Gumawa kami ng necessary adjustment sa gusto namin sa depensa,” wika ni Sandugo-SSC head coach Roger Gorayeb
Si Utaiwan na mayroon ding apat na blocks at tatlong service aces ay umani ng limang puntos sa ikalima at huling set at sinamantala ang limang unforced errors ng Cagayan upang mangailangan na lamang na manalo pa sa Martes upang maiuwi ang titulo.
Sina Thai import Kunbang Pornpimol at Honey Royse Tubino ay may tig-17 puntos at nagtambal sa 25 attack points para sa Rising Suns ngunit ang kanilang naitala ay kulang pa para sa kabuuang 40 kills nina Bualee at Utaiwan.
Samantala, nanaig naman ang Ateneo sa dating kampeong Philippine Army, 25-21, 19-25, 22-25, 25-18, 15-13, sa unang laro upang hawakan ang 1-0 bentahe sa labanan sa third place.
Si Allysa Valdez ay mayroong 21 kills tungo sa 22 puntos at siyang sinandalan nang bumangon ang Lady Eagles sa 1-2 iskor.
Pero ang naging bida sa huli ay si Marge Tejada na inangkin ang huling dalawang puntos sa fifth set upang maagaw ng Ateneo ang sana’y panalo ng Army Troopers.
- Latest
- Trending