MANILA, Philippines - Hindi kinaya ni Jeson Patrombon ang husay ni Christopher Rungkat na inangkin ang 6-3, 6-2, 6-0 panalo upang tapusin ng host Indonesia ang Pilipinas sa 2012 Asia-Oceania Zone Group II Davis Cup kahapon sa Gelora Bung Karno Tennis Stadium sa Jakarta, Indonesia.
Ito ang ikatlong panalo ni Rungkat sa best-of-five tie upang pangatawanan ang pagiging isang SEA Games singles at doubles champion.
Ito rin ang ikatlong panalo ng host country sa tie para iangat sa 6-4 ang head-to-head meetings nila ng Pilipinas sa Davis Cup.
Si Patrombon ang pinaglaro sa krusyal na singles dahil patuloy ang pananakit ng balikan ni No. 1 player Fil-Am Treat Huey, tinalo si Elbert Sie sa ikalawang laro ng opening singles noong Biyernes.
Binigyan ng respetadong pagtatapos ni Francis Casey Alcantara ang bigong laban ng koponan nang talunin ang pamalit na si Sunu-Wahyu Trijati, 6-3, 6-7(4), 6-4, sa huling singles patungo sa 3-2 pinal na iskor.
Ang panalong ito ay nagtulak sa Indonesia na bumalik sa Group I, habang ang Pilipinas ay mananatili sa Group II sa 2013.