Sandugo, Cagayan mag-uunahan sa Game 1
MANILA, Philippines - Sasakyan ng Sandugo-SSC ang 2-0 karta sa kanilang head-to-head sa eliminasyon ng Cagayan Valley upang mahawakan ang mahalagang 1-0 kalamangan sa pagbubukas ng Shakey’s V-League Open finals ngayon sa Ninoy Aquino Stadium.
Sa ganap na alas-4 ng hapon mapapanood ang tagisan at ang mananalo ay mangangailangan na makaisa pa para angkinin ang best of three finals series.
Hindi pa nakakaporma sa Lady Stags ang Rising Suns sa dalawang pagkikita sa mga iskors na 25-23, 25-22, 15-25, 21-25, 15-10, at 25-14, 25-19, 25-22.
“Hindi kami nagkukumpiyansa dahil malakas din ang Cagayan at sila ang nakapasok sa Finals,” wika ni Lady Stags coach Roger Gorayeb.
Ipinakita ng Rising Suns ang kanilang determinasyon nang kalusin ang dating kampeon Philippine Army sa 2-0 sweep sa best of three semifinals sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s Pizza bukod pa sa suporta ng Accel at Mikasa.
Galing din ang Sandugo sa 2-0 sweep sa Ateneo pero masasabing hindi nasukat ang koponang nagdodomina mula sa simula ng liga dahil hindi nakabuo ng kumpletong manlalaro ang Lady Eagles dahil sa abala ang mga players sa kanilang pag-aaral.
Si Jeng Bualee na siyang leading scorer ng torneo ang babanat uli pero may mga maasahan siyang suporta mula kina kina Kaensing Utaiwan, Suzanne Roces, Nene Bautista, Angela Benting at Joy Benito.
Ipantatapat naman ng Rising Suns sina Thai imports Kunbang Pornpimol at Sutadta Chuewulim bukod pa sa tikas nina Sandra delos Santos, Joy Cases at Honey Tubino.
Bago ito ay magtutuos muna ang Ateneo at Army sa ganap na ika-2 ng hapon para madetermina kung sino ang kukuha sa ikatlong puwesto.
- Latest
- Trending