MANILA, Philippines - Sa hangaring makadiskubre ng mga bagong talento na maaaring mapabilang sa national pool, inilunsad kahapon ng Philippine Sports Commission ang 2012 PSC Batang Pinoy National Capital Region Qualifying Leg.
“This is one of the PSC’s talent identification programs and we expanded it this year so that our base will be wider,” wika ni PSC Commissioner Jolly Gomez sa NCR leg na nakatakda sa Setyembre 17-21 sa Marikina Sports Center.
Ang Batang Pinoy ay bukas sa mga student-athletes at out-of-school youth na may edad 18-anyos pababa.
Lalaruin sa NCR leg ang archery, arnis, athletics, badminton, boxing, chess, karatedo, lawn tennis, swimming, taekwondo at table tennis, habang idaraos naman ang national finals ng judo at girls volleyball.
Matapos ang NCR Leg, dadalhin ang Batang Pinoy sa Pangasinan para sa Northern Luzon leg sa Oktubre 10-13 kasunod sa Oriental Mindoro para sa Southern Luzon leg sa Oktubre 24-27.
Ang Mindanao leg ay gagawin sa Cagayan de Oro sa Nobyembre 7-10 at sa Tacloban City para sa Visayas leg sa Disyembre 21-24.
Ang National Finals ay pamamahalaan ng Iloilo City sa Disyembre 5-8.