China naisahan ang Gilas
MANILA, Philippines - Matapos mahawakan ang 64-56 abante sa fourth quarter, nanlamig naman ang Smart Gilas Pilipinas 2.0 na siyang sinamantala ng mas batang China squad upang kunin ang 71-68 panalo sa pagsisimula ng 4th FIBA Asia Cup kahapon sa Tokyo, Japan.
Ang freethrow ni LA Tenorio ang nagbigay sa Nationals ng 64-56 kalamangan kasunod ang itinawag sa kanyang unsportsmanlike foul sa huling 6:16 na nagresulta sa 11-0 ratsada ng mga Chinese para agawin ang unahan, 67-64.
Matapos ang basket ni Gary David para sa 66-67 agwat ng Gilas, sinagot naman ito ng China para sa kanilang 69-66 bentahe.
Ang mintis na three-point shot ni Tenorio ang nabigong magdala sa Nationals sa overtime period.
Nauna rito, iniwanan ng China ang Gilas 2.0 sa first period, 18-15, bago ang layup ni Larry Fonacier para itabla ang laro sa 22-22 sa 6:13 sa second quarter.
Umiskor sina Ranidel De Ocampo at Gabe Norwood para idikit ang Nationals sa 33-40 sa halftime na kanilang napaliit sa 44-49 sa 5:41 sa third period.
Isang basket ni De Ocampo ang naglapit sa Gilas 2.0 sa 46-49 bago naihinto ang laro sa 3:16 dahil sa problema sa ilaw sa venue.
Isang tres ang isinalpak ni Jared Dillinger para itabla ang Nationals sa 51-51 sa huling 16 segundo ng third quarter na sinundan rin ng tres ni David para sa kanilang 56-54 bentahe sa 10 minuto sa final canto.
(Russell Cadayona)
China 71 – Guo 18, Zhao 11, We 7, Sui 7, Duan 6, Wang 6, Sun 6, Cao 4, Yu 3, Zhang 3, Wang Z. 0, Cao 0.
Smart Gilas-Pilipinas 68 – De Ocampo 11, Douthit 10, Fonacier 10, Norwood 9, Tenorio 8, Dillinger 8, David 7, Chan 5, Reyes 0, Thoss 0, Villanueva 0.
Quarterscores: 18-15, 40-33, 54-56, 71-68.
- Latest
- Trending