TOKYO--Sisimulan ng Smart Gilas Pilipinas 2.0 ang kanilang kampanya sa 4th FIBA Asia Cup ngayon laban sa isang Chinese squad na gustong makabawi sa malamya nilang pagpapakita sa nakaraang 2012 Olympic Games.
Binago ng China ang kanilang national team matapos masibak sa London Games, at ang bagong Chinese squad ay sabik nang magpakita sa torneo.
“We’ve heard they’re playing their Team B or their new team. But in my experience, they’re always very competitive even with their Team B,” sabi ni Gilas coach Chot Reyes.
“It is what it is. It’s a good preparation for us,” dagdag pa ni Reyes, haharapin ang mga Chinese sa kanilang ikalawang international tourney matapos ang 34th Jones Cup.
Magtatagpo ang mga Filipino at Chinese ngayong alas-4:30 ng hapon sa Ota City Gymnasium.
Lalabanan naman ng Lebanon ang Macau sa isa pang laro sa Group A sa alas-11:30 ng tanghali, habang sa Group B magtatapat ang Iran at India sa alas-2 ng hapon at ang host team kontra sa Qatar sa alas-7 ng gabi.
Sinandigan ng China sina NBA players Yi Jianlian at Wang Zhizhi sa 75-60 paggupo sa Nationals sa kanilang huling pagkikita sa preliminary round ng 2011 FIBA Asian Championship sa Wuhan, China.
Ang hindi paglalaro nina Marcio Lassiter at Chris Lutz bunga ng eligibility issue ang nakaapekto sa laro ng Gilas.
Pinagharian ng mga Chinese ang Wuhan meet at dinala ang parehong champion team sa London Games kung saan naman sila pinayukod ng Russia, Brazil, Spain, Australia at Great Britain.
Sa pagbabagong-bihis ng China, ipaparada nila sina youth stars Wang Zhelin at Guo Ailun.