MANILA, Philippines - Nilagyan ng tuldok ng host National University ang magandang ipinakita sa 75th UAAP men’s badminton nang angkinin ang titulo laban sa Ateneo sa 3-2 iskor kahapon sa Rizal Memorial Badminton Hall.
Bumangon ang Bulldogs mula sa 0-2 hukay at pinangunahan sila ni national player Joper Escueta para makamit ang kauna-unahang titulo sa badminton.
Matapos ibigay nina Jayson Oba-ob at Adrei Babad ang unang panalo gamit ang 21-8, 21-8, panalo laban kina JC Carlos at Arlo Madrid sa unang doubles, si Escueta na ang nagpatuloy sa pagbangon nang angkinin ang huling dalawang panalo.
Nakipagtambal si Escueta kay Aries delos Santos, pinawi nila ang pagkatalo sa first set tungo sa 15-21, 21-16, 21-14, tagumpay laban kina Toby Gadi at Patrick Natividad na siyang nagbigay ng 2-0 kalamangan sa Ateneo nang dominahin ang unang dalawang singles.
Hindi na naawat pa si Escueta sa huling singles laban kay Justin Natividad sa dominanteng 21-5, 21-6, at ang mga panatiko ng Bulldogs ay nagkaroon ng malaking selebrasyon.
Si Escueta ang siyang kinilala bilang pinakamahusay na manlalaro sa taong ito para gawaran ng Most Valuable Player award habang sina Carlos Cayanan at John Kennethy Monterubio ng La Salle ang nanalo bilang Rookie of the Year at Most Improved Player.