MANILA, Philippines - Humakbang ang St. Clare sa dalawang panalo para makumpleto ang sweep sa eliminasyon nang kalusin uli ang New Era sa 12th NAASCU men’s basketball kahapon sa San Andres Gym, Manila.
Umagwat agad ang Saints sa Hunters ng 11 puntos sa unang yugto, 23-12, at mula rito ay hindi na nagpabaya pa para ikasa ang ika-10 sunod na panalo sa liga.
Si Eugene Torres ang nanguna sa Saints sa kanyang 17 puntos bago sumunod sina Jeff Viernes at Jammer Jamito bitbit ang 16 at 10 puntos.
May 14 puntos si Leo Roncal para sa New Era na nalaglag sa 3-7 baraha pero nananatiling nasa ikaapat na puwesto kasalo ang Our Lady of Fatima University at AMA University.
Naging palaban pa ang Titans sa puwesto sa semifinals nang manalo sa Phoenix, 98-84, na nilaro naman sa CP Tinga Gym sa Hagonoy, Taguig City.
Limang manlalaro ng AMA ang gumawa ng hindi bababa sa 10 puntos at nagsanib sa 65 puntos para pagningningin ang panalo.
Tig-12 puntos naman ang ginawa nina Jay Alquisalas, Axl Garcia at Alfred Batino upang ihatid ang Centro Escolar University sa 72-65 panalo sa STI College.
Umangat ang Scorpions sa 9-1 baraha habang ipinalasap sa Olympians ang ikatlong pagkatalo matapos ang 10 laro.