MANILA, Philippines - Matapos makamit ang dalawang Best Player of the Conference trophy at ang kanyang unang Most Valuable Player award sa nakaraang 37th season ng PBA, tinanggap naman ni Mark Caguioa ang PBA Press Corps’ Comeback Player of the Year plum kamakalawa ng gabi sa Kamayan EDSA.
Ayon sa 2001 PBA Rookie of the Year awardee, mas mahalaga ang pagtutulungan ng bawat isa sa isang koponan para marating ang inaasam na tagumpay.
“In the 12 years I’ve been in the PBA, here’s what I realized: that it doesn’t really matter how talented your team is,” wika ni Caguioa. “Our team needs to work together and achieve chemistry for us to be able to compete well.
Halos kinalimutan na siya nang magkaroon ng eye injury mula sa foul ni two-time PBA MVP James Yap sa semifinal round ng 2012 PBA Commissioner’s Cup kung saan natalo ang Barangay Ginebra sa B-Meg, ngayon ay San Mig Coffee.
Sa kabila nito, kinilala pa rin ang produkto ng Glendale Community College bilang Best Player of the Conference.
Sa kanyang pagbabalik sa PBA Governors Cup ay nakasuot na ang 6-foot-1 na si Caguioa ng isang protective eye glasses.
Bagamat hanggang sa semifinals lamang nakapasok ang Gin Kings, pinahalagahan pa rin ang nagawa ni Caguioa sa kanyang koponan kaya siya hinirang bilang Best Player of the Conference.