Laro Ngayon
(Ninoy Aquino Stadium)
4 p.m. Army vs Cagayan-Perpetual
6 p.m. Sandugo-SSC vs Ateneo
MANILA, Philippines - Hindi pinaporma ng Sandugo-SSC ang Philippine Navy sa kinamadang 25-18, 25-12, 25-20, upang makumpleto na ang mga koponang maglalaro sa semifinals sa Shakey’s V-League Open kahapon sa Ninoy Aquino Stadium.
Umabot lamang ng 62 minuto ang tagisan at nakapagdomina ang Lady Stags dahil sa husay ng kanilang mga Thai imports na sina Jeng Bualee at Utaiwan Kaensing para pormal na angkinin ang unang puwesto sa 9-1 sa pagtatapos ng eliminasyon sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s Pizza.
Si Bualee ay mayroong 22 hits at 21 rito ay mga kills habang 11 ang ibinigay ni Kaensing na kinatampukan ng tig-dalawang blocks at service aces bukod sa pitong kills
Tanging si Kiteh Rosale lamang ang may doble-pigurang output para sa Lady Sailors sa 10 para tapusin ang kampanya sa ligang may ayuda rin ng Accel at Mikasa tangan ang 2-8 baraha.
Dahil din sa panalong ito ay nakapasok na sa Final Four ang Ateneo (3-6) kahit matalo pa sila sa laro laban sa Cagayan Valley kagabi.
Ang semis na paglalabanan sa best of three series ay sisimulan ngayon at ang Lady Stags ang siyang kalaban ng first conference champion Lady Eagles habang ang nagdedepensang Philippine Army at Cagayan ang magtutuos sa isang pares na laro.
May 20 hits, mula sa 18 attacks at tig-isang block at service ace, si Rachel Ann Daquis para sa Army na bumangon mula sa pagkatalo sa first set tungo sa 22-25, 25-22, 25-20, 25-16, tagumpay sa FEU sa ikalawang laro.