MANILA, Philippines - Pagsisikapan ngayon ng Philippine chess team na makapagtala ng pinakamataas na pagtatapos sa World Chess Olympiad sa pagbangga sa Romania sa ika-11th at huling round ng kompetisyon sa Istanbul, Turkey.
Ang Pinoy chessers na No. 35 ay kasalo sa ika-9th hanggang 15th puwesto matapos ang 2-2 tabla sa Vietnam noong Biyernes.
Kasalo sa puwesto ng Nationals ay ang ninth seed Netherlands, Vietnam, Romania, Argentina, Uzbekistan at Slovenia bitbit ang 14 puntos.
Mas mataas ang see-ding ng Romania sa 25th at mas mataas ang ka-nilang average rating sa 2600 laban sa 2546 ng Pilipinas.
Ngunit tiyak na lalaban nang husto ang mga pambato na sina GMs Wesley So, Oliver Barbosa, Eugene Torre at Mark Paragua laban kina GMs Constantin Lupulescu, Mircea-Emilian Parligras, Levente Vajda, Vladislave Nevednichy.
Ang seventh place na pagtatapos ng Pilipinas ay nangyari noong 1988 sa Thessaloniki, Greece.
Ang China, Russia at Armenia ang siyang nag-lalaban-laban sa unang puwesto.
Sa women’s division, tumabla ang mga Pinay sa Malaysia, 2-2, para manatiling kasalo sa 39th place.