Matapos mabigo ang Ateneo at Navy huling puwesto sa semis hindi pa rin selyado
MANILA, Philippines - Parehong dumanas ng kabiguan ang Philippine Navy at Ateneo sa kanilang mga nakatunggali upang manatiling bukas ang ikaapat at huling puwesto na aabante sa semifinals sa Shakey’s V-League Open na nagdaos kahapon ng laro sa Ninoy Aquino Stadium.
Si Michelle Carolino ay may 18 kills tungo sa 24 puntos, habang naroroon ang suporta nina Jacqueline Alarca at Rachelle Ann Daquis at ang nagdedepensang Philippine Army ay bumangon mula sa pagkatalo sa first set para sa 23-25, 25-18, 25-23, 26-24, panalo laban sa Lady Eagles.
May 14 hits si Alarca at 13 naman ang hatid ni Daquis para sa Lady Troopers upang hindi maramdaman ang pagkawala ni Jovelyn Gonzaga at kunin ang ikapitong panalo matapos ang siyam na laro.
Nagbalik si Fille Caing-let at nagtala ng 21 hits, habang sina Alyssa Valdez at Dzi Gervacio ay may 15 at 13 pero hindi nila natapatan ang husay ng Army sa pag-angkin sa mahalagang puntos upang malaglag sa 3-6 karta.
Naunang pinataob ng FEU ang Philippine Navy sa apat na sets, 25-17, 19-25, 25-17, 25-23, upang makatikim din ng panalo sa torneong inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s Pizza bukod pa sa suporta ng Accel at Mikasa.
Inako ni Angeline Ta-baquero ang huling tatlong puntos ng Lady Tamaraws sa ikaapat na set para wakasan ang walong sunod na pagkatalo.
May 21 hits si Tabaquero para sa nanalong koponan.
Si Patcharee ay may 13 kills tungo sa 16 hits sa ikalawang paglalaro lamang sa FEU. (ATAN)
- Latest
- Trending