UE nakasilat pa

MANILA, Philippines – Nauwi ang inakalang ma­daling laro sa bangu­ngot para sa Ateneo nang silatin sila ng UE, 79-77, sa 75th UAAP men’s basketball kagabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Si Chris Javier ang mu­ling tumayong bida para sa Warriors nang naipasok ang libreng 8-footer may .4 segundo sa orasan para basagin ang 75-all deadlock na naikasa ni Kiefer Ravena.

May 15 puntos si Javier upang suportahan ang career-game ni Gene Belleza na may 28 puntos. Si Roi Sumang ay mayroon ding 15 puntos at ang tropa ni coach David Zamar ay nakakubra ng ikalawang sunod na panalo at ikatlo matapos ang 11 laro.

May 24 puntos at 15 rebounds si Greg Slaughter habang 15 puntos si Kiefer Ravena pero napahirapan ang Eagles sa matinding zone defense para matapos ang walong sunod na panalo ni coach Norman Black tungo sa 9-2 baraha.

“Gumawa lamang kami ng adjustments sa zone defense. Kung nasan ang bola ay doon kami tumututok lalo na kapag napunta kay Greg ang bola,” wika ni Zamar.

Ang 3-point play ni Slaughter kay Javier ang nagbigay ng 71-66 bentahe sa Ateneo pero nagpa­kawala ng tres si Sumang para pasiklabin ang 11-4 palitan upang lumamang pa ang UE sa 77-75.

May 7.2 segundo pa sa laro nang naitabla ni Ra­vena ang iskor pero nalibre si Javier nang i-triple team ng Eagles ang umatakeng si Sumang para sa ikalawang sunod na game-winning basket ni Javier.

Bago ito, nagpakawala ng tres sabay tunog ng final buzzer si Javier para itulak ang UE sa 79-76 panalo sa UP sa nakaraang laban.

Nagpakawala naman ng 14 puntos si Almond Vosotros sa huling yugto para igiya ang La Salle sa 76-69 panalo sa Maroons sa ikalawang laro.

Tumapos si Vosotros bitbit ang 21 puntos para sa Archers na umangat pa sa 7-4 karta. (ATan)

UE 79 – Belleza 28, Sumang 15, Javier 15, Santos 11, Sumido 7, Duran 3.

Ateneo 77 – Slaughter 24, Ravena 15, Chua 11, Gonzaga 9, Tiongson 8, Salva 6, Golla 2, Buenafe 2, Elorde 0.

Quarterscores: 10-19; 34-36; 53-56; 79-77.

Show comments