Japan wagi sa Russia
MANILA, Philippines – Tinalo ng Japan ang Russia, 8-6, upang maging ikalimang bansa sa Asia na umabante sa second round sa 2012 PartyPoker.net World Cup of Pool kahapon sa Robinson’s Manila.
Nawala ang naunang ipinundar na 4-0 kalamangan nina Naoyuki Oi at Satoshi Kawabata nang nakatabla sina Konstantin Stepanov at Vitaly Pavlukhin sa 6-all, nakakuha ng break ang Japanese pair sa 13th rack at hindi na nila binitiwan ang momentum tungo sa pag-abante sa second round na kung saan kalaban nila ang Chinese Taipei.
Tatlong errors ang ginawa ng Russia kasama ang foul ni Pavlukhin sa 7-ball upang magkaroon ng ball in hand ang Japan tungo sa 7-6 kalamangan.
Ang Japan at Chinese Taipei ay sinasamahan ng China, Thailand at host Pilipinas na buhay pa.
Sina Efren “Bata” Reyes at Francisco “Django” Bustamante na lamang ang panlaban ng host country matapos masibak sa unang laro ang Team A na sina Dennis Orcollo at Lee Van Corteza sa kamay nina Dimitri Jungo at Ronni Regli ng Switzerland, 7-8, noong Miyerkules ng gabi.
Kinaharap kagabi nina Reyes at Bustamante sina Fil-Canadian Alex Pagulayan at John Morra at ang nanalo ay aabante sa quarterfinals.
Humabol din ng panalo kahapon ang Holland ng igupo ang Croatia, 8-7.
- Latest
- Trending