Makulimlim na panahon ang mayroon sa Philippine Sports Commission.
Ito ang balita sa atin ng isa nating kaibigan at impormante sa PSC. Simula nang dumating sa bansa ang mga atleta na lumahok sa Olympics sa London kamakailan ay tila naglalakad na sa bubog ang mga taga-PSC.
Bakit nga naman? Balita natin ay may rigodon na mangyayari sa PSC. May matatanggal, may aangat at may malilipat.
Hindi pa natin masiguro kung sinu-sino, pero ang sabi ng ating kaibigan ay tila nalalapit na ang paghuhukom sa PSC.
Nakakatakot naman.
* * *
Isang suhestiyon ito sa ating mga butihing pinuno sa PSC. Naniniwala ako sa Public-Private Partnership ng gobyerno ni PNoy. Malaki ang naitutulong nito na pumalaot ang mga proyekto ng gobyerno sa pakikipagtulungan ng pribadong sector.
Patok na proyekto ni PNoy ang PPP. Ipinapangalandakan nga niya ito sa apat na sulok ng bansa. Isa kasi itong paraan upang makatipid ang gobyerno at makuha ang partisipasyon ng pribadong sector sa pagpapaunlad ng bansa.
Lagi kasing sinasabi ng ating gobyerno na walang pondo, walang pera o walang budget. Pero, kung tatapikin natin ang tulong ng pribadong sector, ang mga proyekto ng gobyerno na may katuturan ay magkakaroon naman ng katuparan.
Kung ilalatag natin ito sa sports, ang PPP ay maaaring makatulong sa pag-pondo sa iba’t ibang sports. Halimbawa, ang boksing ay pwedeng suportahan ng isang energy drink, ang swimming ay sa isang kompanya ng multi-vitamins, o ang basketball ay sa isang telecommunication giant.
Kung mapipili ang isang sports, susuportahan ng kompanya ang atleta at ang pagsasanay nito. Kapalit naman nito ay libreng advertisement, katuparan ng corporate social responsibility (CSR) ng isang kompanya, at kaligayahan sa milyun-milyong Pilipino (kung makakakuha ng gintong medalya sa Olympics).
Imposibleng hindi pansinin ng PPP office ang sports. Alam nila na may kabuluhan naman ang proyektong ito. Ang kinakailangan lamang ay makipag-meeting ang pamunuan ng POC sa PPP upang malaman ang maaaring maging terms of reference.
Kinakailangang tanggapin na ng PSC na hindi nila kayang pondohan na mag-isa ang lahat ng kailangan ng mga atleta.