Souquet-Hohmann duo nagparamdam agad
MANILA, Philippines - Pinangatawanan ng mga seeded teams na nasalang agad ang kanilang magandang estado nang kunin ang panalo sa pagbubukas kahapon ng 2012 PartyPoker World Cup of Pool sa Robinson’s Manila.
Bagamat nanghihina dahil nabiktima ng food poisoning noong Lunes, sapat pa rin ang lakas na nakita kay Ralf Souquet upang patuloy na kuminang ang kanilang tambalan ni Thorsten Hohmann tungo sa madaling 8-1 panalo laban kina Andrea Klasovic at Zoltan Svilar ng Serbia.
Ang pumangalawa noong nakarang taon na sina Nitiwat Kanjanasri at Kobkit Palajin ng Thailand at 14th seed sa torneo ay nanalo laban kina Patrick Ooi at Ibrahim Bin Amir ng Malaysia sa 8-4 iskor.
Dumaan naman sa butas ng karayom ang 9th seeds na sina Fil-Canadian Alex Pagulayan at John Morra at ang pares na sina Shane Van Boening at Rodney Morris ng US bago naigupo ang hamon ng Sweden at India ayon sa pagkakasunod sa mahigpitang 8-7 iskor.
Kinailangang magpakatatag nina Pagulayan at Morra matapos bumangon sina Marcus Chamat at Andreas Gerwen mula sa 4-7 iskor para umabante sa second round.
Kumapit naman ang suwerte kina Van Boening at Morris nang ang manipis na tira sa 3-ball ni Raj Hundal sa 15th rack ang pumasok upang manalo pa.
- Latest
- Trending