London Paralympics: Avellana kabilang na sa turista
LONDON--Matapos si table tennis player Josephine Medina, si Andy Avellana naman ang nabigong makakuha ng medalya sa men’s high jump event ng 2012 Paralympic Games.
Tumapos si Avellana bilang pang anim sa pitong partisipante matapos tumalon ng 1.55 meters sa diretsong final event.
Sa event, ang isang atleta ay lulundag ng isang paa at dapat na hindi matanggal ang bar sa pagkakapatong.
Inangkin ni Iliesa Delana ng Fiji ang gold medal, habang ang atleta ng India at Poland ang kumuha sa silver at bronze, ayon sa pagkakasunod.
Nauna nang natalo si Medina kay Josefin Abrhamsson ng Sweden, 9-11, 10-12, 11-13, sa kanilang agawan para sa tansong medalya.
Sumali si Medina sa Class 8 ng table tennis. Ang Class 6-10 ay para sa mga “athletes with a physical impairment who compete from a standing position,” ayon sa official Olympic website.
Ang nag-iisang medalya ng bansa sa Paralympics ay nakuha noong 2000 Games sa Sydney, Australia nang kunin ni Adelina Dumapong ang bronze medal sa powerlifting competition.
Ang isang 11-man delegation ng bansa sa nakaraang 34th Olympic Games ay nabigong makapag-uwi ng anumang medalya.
- Latest
- Trending