Barbosa iniligtas ang Pinas, Lady chessers bigo naman
MANILA, Philippines - Isang malaking panalo ang kinuha ni International Master Oliver Barbosa laban kay Grandmaster Kiril Georgiev para ibigay sa Philippine men’s team ang 2.5-1.5 panalo kontra sa 10th seed Bulgaria at makisalo sa fourth place sa World Chess Olympiad sa Istanbul, Turkey noong Lunes ng gabi.
May dalawang rooks, isang knight at dalawang pawns laban sa queen, bishop at tatlong pawns ni Georgiev, nagtiyaga si Barbosa para sa kanyang 59-move win sa kanilang Slav duel.
Ang panalo ang sumelyo sa naturang tagumpay ng 35th ranked Filipinos kontra sa mga Bulgarians, ang average rating na 2678 ay mas mataas sa 2546 ng koponan.
Tumabla ang mga Pinoy sa fourth hanggang eighth places kasama ang second seed Ukraine, fourth pick Hungary, No. 6 China at No. 18 Spain sa magkakapareho nilang 10 points.
Natalo naman ang Phl Lady chessers sa 14th seeded French, 1-3, matapos mabigo sina Janelle Mae Frayna, Jedara Docena at Jan Jodilyn Fronda sa lower boards.
Tanging si Woman International Master Catherine Perena ang nakasingit ng panalo matapos ang kanyang 54-move victory kay IM Almira Schripchenko.
- Latest
- Trending