MANILA, Philippines – Sa laro laban sa karibal na La Salle naipakita ni Ryan Buenafe ang angking galing upang hirangin siya bilang UAAP Player of the Week na handog din ng ACCEL 3XVI.
Nagbabalik matapos ang isang taong pamamahinga, inanunsyo ni Buenafe na handa na siya para pangunahan ang laban ng 4-time defending champions Ateneo nang kumana ng 24 puntos para tulungan ang koponan sa 77-67 panalo sa Archers noong Sabado.
Ang 24 puntos na ito ng 6’2 dating NCAA juniors MVP sa San Sebastian ang kanyang pinakamataas na nagawa sapul nang nasali sa UAAP.
“Kinausap ako ni coach Norman (Black) at sinabi niyang dapat ako mag-step-up. Pinagkakatiwalaan niya ako kaya nagkaroon uli ako ng kumpiyansa,” ani Buenafe.
Bago ito ay napatalsik muna si Buenafe sa laro ng Eagles at FEU na napagharian ng Ateneo at nakatulong ito upang lalong manggigil siya at ipakita ang tunay niyang laro.
Siyam na puntos ang ginawa agad ni Buenafe sa unang yugto para tulungan ang Eagles sa 26-10 kalamangan bagay na nakatulong ng malaki sa panalo dahil napahirapan ang Archers sa kahahabol.
Ito na ang ikawalong sunod na panalo at 9-1 karta ng Ateneo para lumapit pa sa hangaring puwesto sa Final Four at ang mahalagang twice-to-beat incentive.
Ang mga ikinonsidera para sa lingguhang parangal na ibinibigay ng mga mamamahayag na kumokober ng laro ay sina Jeric Teng ng UST, Chris Javier ng UE at RR Garcia ng FEU.