Pinoy paddlers humataw pa ng 3 gold, European countries 'di nakaporma
MANILA, Philippines – Tinapos ng Philippine dragonboat team ang produktibong kampanya sa International Canoe Federation (ICF) World Dragon Boat Championships taglay pa ang tatlong ginto na nangyari noong Linggo ng gabi sa Idroscalo Club sa Milan, Italy.
Inilampaso ng Pambansang koponan ang hamon ng mga European countries sa pangunguna ng Russia sa 200m distansya para wakasan ang pagpapakita ng husay gamit ang anim na ginto at isang pilak na medalya.
Ang 10-man men’s team ay naorasan ng 50.07 segundo para talunin ang Russia na mayroong 51.120 segundo.
Sunod na nagdomina ang 20-man mixed team sa naitalang 44.486 segundo bago tinapos ang laban sa isa pang ginto sa 10-man mixed team sa 52.419 segundo.
Ang Russia rin ang pumangalawa sa mga events na ito sa naisumiteng 45.329 at 53.739 segundo.
Pumangatlo naman ang mga Americans sa inilistang 54.569 segundo.
Bago ito ay nagdomina muna ang koponang inilahok ng Philippine Canoe Federation (PCF) sa 10-man at 10-mixed sa 500m distance at 10-man sa 2000m distance.
“You are simply awesome. Russia did not see you coming and also you have reminded all of us that there is such a country as Philippines in the map,” wika ng Canadian head of delegation kay Philippine Canoe/Kayak Federation Secretary-General Jonne Go.
Ang nakalusot sa sana’y sweep ay sa 20-mixed sa 500m race nang nalagay lamang sa ikalawang puwesto ang bansa.
Sa pangyayari, ang Pilipinas ang lumabas bilang pinakamahusay na koponan sa 14 na naglaban.
Ang 25-man delegation ay babalik ng bansa ngayong araw.
- Latest
- Trending