PLDT-ABAP Boxers naka-5 Gold
TAIPEI -- Limang gintong medalya ang inangkin ng limang miyembro ng PLDT-ABAP national bo-xing team sa 2nd Taipei City Cup International Boxing Tournament sa Taiwan Coliseum.
Ang mga ito ay nanggaling kina Maricris Igam (48 kg), Irish Magno (51 kg), Rogen Ladon (49 kg), Mario Fernandez (56 kg) at Joel Bacho (64 kg).
“This validates what we have been saying all along. We have a vibrant grassroots development program that has identified the best potentials from the countryside. These boys and girls give us hope for the future” wika ni ABAP president Ricky Vargas.
Bagamat paboritong manalo ng ginto ang Japan, host Taipei at Vietnam, hindi naman inaasahang aagaw ng eksena ang mga miyembro ng Phl team.
Tinalo ni Igam si Nguyen Thi Luong ng Vietnam, 25-10, kasunod ang paghihirang sa tubong Puerto Princesa bilang Best Female Boxer of the tournament.
Binigo naman ni Magno si Pin Meng-Chieh ng Taipei, tampok ang pagpapabagsak niya sa Taiwanese sa third round at pagpapadugo sa ilong nito sa fourth round, matapos ihinto ng referee ang laban.
Iginupo ni Ladon, ang sparring partner ni Mark Anthony Barriga bago ang nakaraang 2012 London Olympics, sa finals ng light flyweight class si Japanese Kenshiro Teraji, 19-10.
Ito ay sa kabila ng pagkakapataw sa kanya ng isang 2-point penalty dahil sa pagyuko sa third round.
Dinomina naman ni Fernandez ang mas matangkad na si Lin Yu-Che ng Taiwan, 19-9, habang pinayukod ni Bacho si Syuichiro Yoshino ng Japan, 15-8.
Nakakuha ng bronze si Janice Vallares sa women’s 60 kg category at si lightweight Darwin Tondahan.
- Latest
- Trending