MANILA, Philippines – Dinomina pa ng men’s 10-man rowers ang 2000m race para sa ikatlong ginto ng Pilipinas sa International Canoe Federation (ICF) World Dragon Boat Championships noong Sabado sa Idroscalo club sa Milan, Italy.
Umabot sa 10 bansa ang nagpatala sa karerang ito at ang national rowers ang siyang lumabas na pinakamabilis sa ginawang siyam na minuto 35.488 segundong tiyempo.
Tinalo ng Pilipinas ang Sweden na may 9:41.814 at Germany sa bilis na 9:43.054, upang makontento na lamang sa pilak at bronze medals.
Inaasahang madadagdagan pa ang gintong medalya ng koponang isinali ng Philippine Canoe Federation (PCF) dahil mas paborito ang mga ilalabang koponan sa 200m distansya sa pagtatapos ng torneo sa Linggo ng gabi.
Bago ito ay nangibabaw ang Pilipinas sa 10-man men’s at mixed events sa 500m distance. May pilak din ang 20-man mixed team sa nasabi ring distansya na pinaglabanan noong Biyernes.
Pinagtibay naman men’s 10-man team ang paghahabol pa ng ginto sa 200m distansya nang pangunahan ang heat 2 sa 42.563 segundo.
Ang oras na ito ang pinakamabilis sa dalawang heat na isinagawa upang malagay uli na paborito ang koponan sa ginto sa distansya.
Sasali rin ang Pilipinas sa 20-man at 10-man mixed events sa 200m distance.