TAIPEI--Matapos manalo ng apat sa Day One, dalawang kabiguan naman ang nalasap ng PLDT-ABAP national boxing team sa Day Two ng Taipei City International Boxing Tournament sa Taiwan Coliseum dito.
Nagtala ng panalo si Maricris Igam sa women’s lightweight class matapos kunin ang 10-4 panalo laban kay Shinetsetseg Davaasuren ng Mongolia
Inangkin naman ni Irish Magno ang kanyang ikalawang sunod na tagumpay sa flyweight class nang igupo si Trin Thi Dem Kieu ng Vietnam, 16-6.
Ang kanyang pangalawang dikit na pananaig din ang nakamit ni Mario Fernandez nang talunin si Aboriginal Taiwanese Wei-Chieh Lin, 11-9, sa bantamweight category.
Ngunit matapos ito ay dalawang local bet ang nakatikim ng pagkatalo.
Nabigo si lightweight Janice Vallares kay Vietnam bet Le Thi Bang, 7-10.
Natalo rin si lightweight Darwin Tindahan kay Japanese Kenji Fujita, 17-7.
Bukod sa Pilipinas, ang iba pang kasali sa torneo ay ang host Taipei , Aboriginal Taiwanese, Japan, Mongolia, Indonesia, Vietnam, Korea, Singapore, Kazakhstan, Malaysia, Hongkong at Macau.