MANILA, Philippines - Inilampaso ng Philippine team ang Kazakhstan, 4-0, upang makasalo ang mga bigating bansang kagaya ng Russia, Ukraine at USA sa itaas sa third round ng World Chess Olympiad sa Istanbul, Turkey.
Sumulong ng mga panalo sina Grandmasters Wesley So, Oliver Barbosa at Mark Paragua at International Master Oliver Dimakiling para ibigay sa Phl team, No. 35 seed sa torneo, ang 6.0 points.
Makakaharap nila sa fourth round ang No. 3 seed Armenia, umiskor ng 2.5-1.5 tagumpay laban sa Spain.
Ginamit ni So ang Gruenfeld Defense para iposte ang isang 63-move victory laban kay GM Rinat Jumabayev, habang tinalo naman ni Barbosa sa pamamagitan ng isang 61-move win sa kanilang Queen’s Indian duel si GM Anuar Ismagambetov.
Nagtala si Paragua ng mabilis na 28-move win kontra kay GM Petr Kostenko sa isang Caro-kann encounter, habang isinakripisyo naman ni Dimakiling ang kanyang queen kapalit ng dalawang bishops para gibain si IM Kirill Kuderinov sa 38 moves ng Queen’s Pawn opening.
Bumawi naman ang mga Pinay mula sa kanilang 1.5-2.5 pagkatalo sa Slovenia sa second round matapos biguin ang Turkmenistan, 3-1, para sa kanilang 4.0 points.
Umiskor ng panalo sina WIM Catherine Perena, Janelle Mae Frayna at Jan Jodilyn Fronda, tanging si Jedara Docena ang natalo.