MANILA, Philippines - Sa ikalawang pagtutuos, inaasahang mas magiging mahigpitan ang tagisan ng Ateneo at La Salle sa 75th UAAP men’s basketball ngayon sa Smart Araneta Coliseum.
Pakay ng Eagles na maulit ang 61-51 dominasyon sa Archers sa unang pagkikita para palawigin ang pinakamahabang winning streak sa season na sa kasalukuyan ay nasa pitong sunod.
May 8-1 baraha ang tropa ni coach Norman Black at kung mananalo pa ay lalapit pa sa pangarap na twice-to-beat incentive na mapupunta sa unang dalawang koponan.
Ibayong laro naman ang nakikita sa Archers na papasok sa sagupaan taglay ang apat na dikit na panalo.
Kasama sa pinabagsak ng tropa ni coach Gee Abanilla ay ang host National University at University of Santo Tomas na parehong palaban para sa puwesto sa semifinals.
Hindi pa tiyak kung maglalaro na si LA Revilla pero kung patuloy na kikinang ang laro nina rookie Jeron Teng, Almond Vosotros at rookie pang si Thomas Torres at ang solidong laro sa ilalim ni Norberto Torres ay bibigyan nila ng sakit ng ulo si Black na sasandal sa lakas ng starters na sina Greg Slaughter, Nico Salva at Kiefer Ravena.
Ang larong ito ay magsisimula matapos ang bakbakan sa pagitan ng Tigers at Adamson Falcons sa ganap na alas-12 ng tanghali.
Balak ng Tigers na makabangon agad mula sa masakit na 51-53 pagkatalo sa La Salle upang makahulagpos sa FEU na kanilang kasalo sa ikalawang puwesto sa 7-3 baraha.
Sina Jeric Teng, Clark Bautista, Jeric Fortuna, Karim Abdul at Aljon Mariano ang magtutulung-tulong uli para isantabi ang inaasahang inspiradong laro mula sa Falcons matapos makuha ang ikalawang panalo sa UP noong nakaraang Huwebes.