MANILA, Philippines - Naghatid ng 21 puntos, 6 rebounds at 8 assists si Bobby Ray Parks Jr. na sinabayan ng paghakot ng impresibong laro mula kay import Henri Betayene at ang host National University ay nanaig sa University of the East, 83-74, sa 75th UAAP men’s basketball kagabi sa MOA Arena sa Pasay City.
Si Betayene na pumalit sa di naglaro na si Emmanuel Mbe ay tumapos taglay ang 11 puntos at 12 rebounds.
May offensive rebound at putback at dalawang free throws si Betayene sa huling dalawang minuto ng labanan para hindi na makabangon pa ang Warriors na humabol mula sa 15-puntos pagkakalubog at nakapanakot sa 74-70 sa tres ni JR Sumido.
“Mahalaga itong panalo namin dahil hindi kami nalalayo sa mga nasa top four sa standings,” wika ni coach Eric Altamirano na umangat sa 6-4 baraha at napag-iiwanan lamang ng La Salle ng kalahating laro sa ikaapat na puwesto (6-3).
Si Mbe ay hindi nakalaro dahil nananakit pa ang balakang na nabugbog sa huling laban.
May 17 puntos si Sumang habang si Chris Javier ang nanguna sa Warriors sa 19 puntos upang mamaalam na sa liga sa ikawalong kabiguan matapos ang siyam na laban.
Ito rin ang ikalawang sunod na pagkatalo sa kamay ng nagbabalik na coach na si David Zamar.
Pinatunayan naman ng Adamson na kaya nila ang University of the Philippines sa pamamagitan ng 75-70 panalo sa ikalawang laro.
Isinelebra ni Rodney Brondial ang pagbabalik mula sa one-game suspension sa kinamadang 15 puntos, 17 rebounds at 11 rito ay sa offensive side na pinakamarami sa liga matapos gumawa ng 12 offensive rebounds si Jervy Cruz habang naglalaro sa University of Santo Tomas noong 2008.
Si Eric Camson ay may 19 puntos at 14 rebounds habang ang rookie na si Jericho Cruz ay nagdagdag pa ng 17 para sa Falcons na kinuha lamang ang ikalawang panalo matapos ang 10 laro.
Ang Maroons ay bumagsak sa 1-8 karta at tulad ng Falcons at Warriors ay namahinga na rin sa liga.