Ladon, Bacho umiskor ng KO sa Taiwan meet
MANILA, Philippines - Kapwa umiskor ng knockouts sina Rogen Ladon at Joel Bacho laban sa kanilang mga karibal sa 2nd Taipei City International boxing tournament sa Taiwan Coliseum sa Chinese Taipei.
Kinuha ng 18-anyos na si Ladon ang 11-3 puntos papasok ng third round patungo sa pagdomina kay Chiu Po-wei sa light flyweight division.
Isang kumbinasyon ng tubong Bago City ang nagpabagsak kay Chiu sa third round at hindi na nakabangon pa.
Pinaluhod din ni Bacho si Kim Hyeok ng South Korea sa second round sa light welterweight class.
Binigo naman ni Mario Fernandez ng Aglayan, Bukidnon, nasa kanyang unang international competition, si Go Gi Chang ng South Korea, 24-2.
Sa women’s category, tinalo ni Irish Magno si Taipei City bet Chiu Ching Ya, 9-3,.
Makikita rin sa aksyon sina lightweight Darwin Tindahan ng Bukidnon, Puerto Princesa pride Maricris Igam sa women’s 48kg class at Janice Vallares ng Misamis Oriental sa 60kg class.
“We have a potent group of young boxers who will carry the torch when their time comes. We need to wean them into the international scene as early as possible,” sabi ni ABAP president Ricky Vargas.
Ang koponan ay ginagabayan nina coaches Nolito Velasco, Romeo Brin at Violito Payla.
- Latest
- Trending