NEW YORK--Kabuuang 73 minuto lamang ang kinailangan ng nagdedepensang si Novak Djokovic para makapasok sa second round ng US Open mula sa kanyang 6-1, 6-0, 6-1 paggiba kay Italian Paolo Lorenzi.
Humataw ang second-seeded na Serb ng 7 aces at 32 winners laban sa 30-anyos na si Lorenzi, hindi pa nananalo ng Grand Slam match.
Susunod na makakatapat ni Djokovic ang mananalo sa pagitan nina Rogerio Dutra Silva ng Brazil at Teymuraz Gabashvili ng Russia.
Binigo naman ni Andy Roddick, nagkampeon sa 2003 US Open, si qualifier at World No. 289 Rhyne Williams, 6-3, 6-4, 6-4, para labanan ang mananaig sa pagitan nina Bernard Tomic ng Australia at Carlos Berlocq.
Sa women’s division, nabigo naman si dating World No. 1 at 2009 runner-up Caroline Wozniacki nang yumukod kay World No. 96 Irina-Camelia Begu, 6-2, 6-2, sa first round.