Stags may misyon sa Chiefs
MANILA, Philippines - Balak uli ng San Sebastian na dumikit sa nangungunang San Beda sa pagharap sa Arellano sa 88th NCAA men’s basketball ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Galing ang Stags mula sa 83-75 panalo laban sa Lyceum sa huling laro at kung manaig pa sa Chiefs sa kanilang alas-4 ng hapon na tunggalian ay masusungkit nila ang ikasiyam na panalo matapos ang 12 laro.
Una pa rin ang Red Lions sa 9-2 baraha pero lamang lang sila ng isa’t-kalahating panalo sa Stags at pahingang Jose Rizal University.
Nanalo ang Stags sa Pirates kahit napatalsik sa laro si Abueva ng dagukan nito gamit ang ‘closed fist’ si Jhygruz Laude.
Naghahatid ng 19 puntos, 15.9 rebounds, 6.4 assists, 1.2 steals at 1.5 blocks, ang 6’2 power forward ay hindi makakasama ng koponan dahil sa awtomatikong one-game suspension sa kanyang ginawa.
Sa pangyayaring ito, aasa ang Stags sa husay nina Ian Sangalang at Ronald Pascual para manatiling palaban sa unang dalawang silya na magka-karoon ng twice-to-beat advantage sa Final Four.
Kailangang maging handa ang Stags dahil ang Chiefs ay magbabakasakaling buhayin pa ang laban para sa semifinals kahit may mahinang 4-7 baraha.
Ang Lyceum at St. Benilde ang magtutuos sa ikalawang laro dakong alas-6 at pareho ring mag-uunahan sa panalo na magpapanatiling buhay ang hangaring makaiwas sa maagang bakasyon.
- Latest
- Trending