Reyes konting balasa lang ang gagawin sa Smart Gilas II
MANILA, Philippines - Kaunting balasa lamang ang gagawin ni Smart Gilas II coach Chot Reyes sa line-up na inilaban sa Jones Cup sa sasalihang FIBA Asia Cup mula Setyembre 14 hanggang 22 sa Tokyo, Japan.
Sina 6’11 naturalized player Marcus Douthit, Gary David, Gabe Norwood, Jeff Chan at LA Tenorio ang mga balak na pabalikin ni Reyes sa koponan na sasabak sa mas mabigat na laban sa FIBA Asia na dating kilala bilang Stankovic Cup.
“We came from a win, so why make big changes?,” wika ni Reyes. “We’ll take to the players tomorrow (today), see if they’re healthy, make the evaluation then come up with the roster.”
Ang mga nasa pool na sina Jason Castro, Kelly Williams, Jimmy Alapag, Ryan Reyes, Jarred Dillinger at Jayvee Casio ang ilan sa mga manlalarong sinisipat ni Reyes para isama sa koponan patungong Japan.
Sa pamamagitan ng limang nabanggit na manlalaro, ang Gilas II ay nagdomina sa Jones Cup nang tapusin ang torneo bitbit ang 8-1 baraha.
Kasama sa tinalo nila ay ang malakas na Iran at US para ibigay sa Pilipinas ang ikaapat na Jones Cup title.
Sa FIBA Asia Cup, mas mabigat ang kanilang haharapin dahil ang Pilipinas ay naka-grupo kasama ang China, Lebanon, Macau at Uzbekistan. Ang kabilang grupo ay binubuo ng Iran, Chinese Taipei, Qatar, Japan at India.
Isang bansa lamang ang maaalis sa unang round at ang walong koponan na aabante ay sasabak na sa knockout elimination.
Ang Gilas I ay sumali noong 2010 na ginawa sa Beirut at tumapos lamang ang tropa na hawak ni Rajko Toroman sa pang-apat na puwesto kasunod ng nagkampeong Lebanon, pumangalawang Japan at pumangatlong Qatar.
- Latest
- Trending