MANILA, Philippines - Matapos si No. 1 overall pick June Mar Fajardo ng Petron Blaze, si No. 7 selection Chris Tiu naman ang nakatakdang pumirma ng isang maximum contract sa Rain or Shine ngayong araw.
Lalagda si Tiu, produkto ng Ateneo De Manila University at naging miyembro ng Smart Gilas Pilipinas I ni Serbian coach Rajko Toroman, sa isang three-year contract sa Elasto Painters na nagkakahalaga ng P8.5 milyon at nahahati sa P150,00 sa una niyang taon, P225,000 sa ikalawa at P337,500 sa pangatlo.
“Chris is a very smart player kahit na titingnan mong magandang lalaki siya,” sabi nina co-team owners Raymund Yu at Terry Que sa 5-foot-11 na si Tiu, isang TV host at commercial model.
Sa paglalaro ni Tiu sa Rain or Shine, isang trade proposal ang isinumite ng Elasto Painters sa PBA Commissioner’s Office kung saan balak nilang dalhin si Ronjay Buenafe sa Meralco kapalit ng first round pick ng Bolts sa 2014 PBA Rookie Draft.
Malaki ang naitulong ni Buenafe, ang No. 11 pick sa 2007 PBA Draft ng Coca-Cola, sa pag-angkin ng Rain or Shine sa nakaraang 2012 PBA Governors Cup, ang kanilang kauna-unahang PBA crown matapos ang anim na taon.
Kailangan pa ng basbas ni PBA Commissioner Chito Salud para tuluyan nang maplantsa ang naturang trade sa pagitan ng Elasto Painters, kinuha sina Bacon Austria at Jewel Palomique sa third at fourth round, ayon sa pagkakasunod, at Bolts.
Samantala, wala namang balak ang Global Port, bumili sa prangkisa ng Powerade, na i-trade si 6’7 Rabeh Al-Hussaini, naging kakampi ni Tiu sa Ateneo.
“You seldom see a player that has the talent of Rabeh, so we will stick to him. He will blossom into one of the dominant big guys in the league, that’s our mission,” ani coach Glenn Capacio sa 2010 No. 2 overall pick na si Al-Hussaini na napaulat na ipinapalit kay 6’8 Japeth Aguilar ng Talk ‘N Text kasama si Francis Allera.