TAIPEI - Sa ikalawang sunod na pagkakataon ay muling nagbida si pointguard LA Tenorio para sa Nationals.
Humugot si Tenorio ng 11 sa kanyang 20 points sa fourth quarter para tulungan ang Smart Gilas-Pilipinas II sa 76-75 pagtakas kontra sa US team at sikwatin ang korona ng 34th William Jones Cup kagabi rito sa TPEC gymnasium.
Ito ang unang Jones Cup title ng Nationals makaraan ang 14 taon.
Ang PBA Centennial Team ni Tim Cone ang naghari sa Jones Cup noong 1998.
Sa kabuuan, ito ang ikaapat na Jones Cup crown ng bansa matapos magkampeon noong 1981 at 1985 mula sa Northern Consolidated ni American coach Ron Jacobs.
Ibinangon ni Tenorio ang Nationals mula sa isang 14- point deficit patungo sa kanilang 7-1 record sa nasabing single-round robin tournament.
Nagsalpak si Tenorio ng pitong sunod na puntos sa pagsisimula ng fourth quarter na nagpainit sa pagbabalik ng Gilas II ni mentor Chot Reyes.
Ang jumper ni Tenorio sa huling 19 segundo ang siyang sumelyo sa panalo ng Nationals.
Si Tenorio rin ang namayani sa 76-72 panalo ng Gilas II laban sa Chinese-Taipei noong Sabado ng gabi.
Huling nahawakan ng Americans ang lamang sa 75-74 mula sa basket ni 6-foot-8 Jermaine Dearman sa natitirang 36 segundo sa laro.
Kasunod nito ay ang game-winning jumper ni Tenorio mula sa pick ni naturalized Marcus Douthit.