MANILA, Philippines - Gumawa ng 19 puntos si Mario Bonleon para pangunahan ang Energen Pilipinas sa 80-69 panalo sa Lebanon sa 22nd FIBA Asia Under 18 Championship consolation round kahapon sa Buyang-Ukhaa Gym sa Ulan Bator, Mongolia.
May 12 puntos si Rey Nambatac habang 10 ang ibinigay ni J-Jay Alejandro bukod sa anim na assists at ang tropa ni coach Olsen Racela ay mangangailangan pa ng isang panalo para maokupahan ang ikalimang puwesto na siya ring tinapos ng Pambansang koponan noong 2010 sa Yemen.
Matapos ang kawalan ng puntos sa unang 20 minuto ng laro, si Kyle Suarez ay gumawa ng siyam sa second half at pito rito ay ibinuhos sa ikatlong yugto na kung saan iniwan ng Nationals ang Lebanese team.
Ang kanyang tres na nasundan ng jumper at dalawang free throws ang nagtulak sa Nationals sa 55-44 kalamangan.
Pinababa ng Lebanon ang agwat sa pito sa 4-0 bomba pero sina Nambatac, Angelo Cani at Ira Babilonia ay umiskor sa sumunod na takbo para ibalik sa 11 ang bentahe, 61-50, sa pagtatapos ng yugto.
Kalaban ngayon ng Pilipinas ang Chinese Taipei, na tinalo nila sa second round, 88-83, para sa battle for fifth place.
Ang Taiwanese team ay papasok sa laro galing sa 77-38 dominasyon sa Saudi Arabia.
Nalagay sa consolation round ang Pilipinas nang lasapin ang 77-90 pagkatalo sa Korea habang ang Chinese Taipei ay nasilat ng Japan, 67-68.