TAIPEI-- Lumapit sa kanilang inaasam na pagkopo sa 34th William Jones Cup ang Smart Gilas Pilipinas II matapos talunin ang Chinese-Taipei A, 76-72, kagabi.
Itinaas ng Nationals ang kanilang record sa 6-1 at may pagkakataong masikwat ang titulo kung mananaig laban sa US team ngayong alas-5 ng hapon.
Mula sa 16-16 pagkakatabla sa first period, kumawala ang Gilas II sa second quarter sa likod nina Jeff Chan, Ranidel De Ocampo at Gabe Norwood para iwanan ang Chinese-Taipei A, 37-29, sa halftime.
Gumana naman ang outside shooting ng mga Taiwanese sa third period nang maagaw ang unahan sa 44-42 at pinalobo sa 54-49 sa huling 1:51 nito.
Sa final canto, tatlong tres ang isinalpak ni LA Tenorio para ibigay sa Nationals ang 69-60 bentahe sa 5:44 nito.
Huling nakalapit ang Chinese-Taipei A sa 65-69 agwat sa 3:17 ng laro.
Samantala, hinangaan naman ng Americans ang Nationals.
“It’s gonna be very exciting,” sabi ni 6-foot-8 Jermaine Dearman ng Southern Illinois University sa kanilang pagharap sa Gilas II.
Natalo ang American squad sa Lebanese team, 67-70, para sa kanilang 5-2 baraha.