Eagles dinagit ang Maroons

MANILA, Philippines - Dinomina ng Ateneo at La Salle ang mga nakaribal para manatiling matatag ang puwesto sa 75th UAAP men’s basketball kahapon sa MOA Arena sa Pasay City.

Humataw si Kiefer Ra­vena ng season high na 21 puntos bukod pa sa 5 rebounds, habang 10 ang ibinigay ni Luis Gonzaga para pagtulungan ang inangking 73-66 panalo ng Eagles laban sa University of the Philippines Maroons.

Si Gonzaga ay gumawa ng apat sa anim na free throws na iginawad sa Eagles sa loob ng 15 segundo para ilayo ang tropa ni coach Norman Black sa 53-44.

Ito ang ikaanim na sunod na panalo ng Ateneo para lumawig ang nangu­ngunang karta sa 7-1.

Samantala, si Jeron Teng ay gumawa ng 16 puntos, 10 rebounds at 3 blocks upang tulungan ang Archers na madomina ang University of the East Warriors, 73-52, sa unang bakbakan.

Ang bihirang magamit na si 6’8 Arnold Van Opstal ay may 12 puntos at 8 rebounds habang 10 puntos at 11 boards ang hatid ng 6’7 na si Norberto Torres para sa Archers na nanalo sa ikatlong sunod na pagkakataon tungo sa 5-3 baraha.

Isang tres at drive ang ibinigay ni Teng para katampukan ang 12-2 palitan upang ang 31-28 iskor ay naging 43-30 kalamangan.

Ang Warriors ay nalag­lag sa 1-7 baraha para sa magandang pagsalubong sa nagbabalik na coach na si David Zamar.

Sina Roi Sumang at Gene Belleza ay tumapos bitbit ang 17 at 16 puntos para sa UE.

AdMU 73 - Ravena 21, Salva 10, Gonzaga 10, Slaughter 9, Erram 9, Tiongson 6, Chua 3, Buenafe 3, Elorde 2, Sumalinog 0, Pessumal 0, Golla 0.

UP 66 - Soyud 14, Silungan 13, Asilum 10, Lopez 8, Padilla 6, Gamboa 6, Gallarza 5, Montecastro 2, Hipolito 2, Mbah 0, Wierzba 0, Romero 0, Manuel 0.

Quarters: 17-17, 32-34, 53-46, 73-66.

Show comments