MANILA, Philippines - Pantayan ang pinakamahabang winning streak sa 75th UAAP men’s basketball ang balak ng Ateneo sa pagharap sa UP sa pagpapatuloy ng aksyon ngayon sa MOA Arena sa Pasay City.
Ang laro ay itinakda dakong alas-4 ng hapon at ikaanim na sunod na panalo tungo sa nangungunang 7-1 karta ang mahahagip ng Eagles sakaling padapain uli ang Maroons
Ang UST ang may ta-ngan ng pinakamahabang winning streak sa liga na anim, pero natapos ito nang ilampaso sila ng FEU noong Huwebes, 60-87.
Humirit na ang Eagles ng 76-70 panalo sa Maroons sa unang pagkikita at kung makadalawa sila ay lalayo sila sa mga naghahabol para sa mahalagang twice to beat advantage na ibibigay sa dalawang mangungunang koponan matapos ang elims.
May 1-6 karta lamang ang Maroons ngunit sariwa sila sa 63-48 panalo laban sa UE sa huling asignatura na kanilang magagamit para maibangon ang laban sa second round.
Pangunahing problema ng Maroons ay kung paano pigilan ang higanteng si Greg Slaughter na siyang sinandalan ng Eagles nang nangangapa sa puntos, upang maiuwi ang 74-71 panalo sa FEU.
Ikatlong sunod na panalo naman ang balak kunin ng La Salle sa UE sa unang laro.
Galing ang Archers sa 87-86 double-overtime panalo sa host National U sa huling laro sa labang kinakitaan ng pagtala ng 35 puntos ni rookie guard Jeron Teng.