MANILA, Philippines - Magandang pagtutulungan ng mga manlalaro ng nagdedepensang Philippine Army ay nagbunga nang kunin nila ang 17-25, 25-20, 25-18, 20-25, 15-10, panalo sa Cagayan Valley sa Shakey’s V-League Open kahapon sa Ninoy Aquino Stadium.
Sina Michelle Carolino at Rachel Daquis ay may tig-16 hits, si Marietta Carolino ay mayroong 15 hits habang tig-11 puntos ang hatid nina Joanne Bunag at Jacqueline Alarca bukod pa sa pagsasanib sa pitong blocks para tumapos ang Army Troopers bitbit ang 13 blocks.
Apat rito ay ginawa sa ikalima at huling set na para maisulong ng nagdomina sa liga noong nakaraang taon sa 3-0 ang karta sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s Pizza at may ayuda pa ng Accel at Mikasa.
“Isang bagay lamang na ipinapagawa ko sa kanila ay higpitan ang depensa lalo na sa blocking para makuha ang panalo,” wika ni Army coach Rico de Guzman.
Tig-20 hits ang ginawa nina Sandra delos Santos at Honey Royse Tubino pero ang mga Thai imports ng Rising Suns na sina Pornpimol Kunbang at Chuewulim Sutadta ay may pinagsamang 16 hits para bumagsak ang koponan sa ikalawang sunod na pagkatalo matapos ang tatlong laro.
Nanatiling nakasalo ang Sandugo-SSC sa Army nang tapatan ang 3-0 karta sa pamamagitan ng 25-13, 25-18, 25-14, panalo sa Philippine Navy sa ikalawang laro.
May 13 hits at 2 blocks si Suzanne Roces, at ang mga Thai imports na sina Utaiwan Kaensing at Jeng Bualee ay may 11 at 10 hits para tulungan ang Lady Stags sa panalo.