MANILA, Philippines - Huhugot ng mga Fil-Americans ang national team upang mapalakas ang koponan sa paglahok sa World Baseball Classic qualifier sa Chinese Taipei mula Nobyembre 15 hanggang 18.
Mismong ang nagpapalaro na Major League Baseball (MLB) at MLB Players Association ang nagtutulak hindi lamang sa Pilipinas kungdi sa iba pang bansa na maglalaro sa qualifiers na kumuha ng mga kababayang naglalaro sa US para mapalakas ang kanilang kampanya.
Nagsumite na ang mga kasaling bansa ng pangalan ng 50 manlalaro at iniendorso ng MLB ang mga Fil-Ams na sina Efren Ricky Oropesa at Leighton Michael Pangilinan na naglalaro ngayon sa US Minor League.
Pero hinihirit ng Philippine Amateur Baseball Association (PABA) ang dating San Francisco Giants pitcher, 6’4 Eugene Macalalag Espineli para masama sa koponan at mapalakas ang pitching staff.
Si Espineli ay bumisita na sa bansa ilang taon na ang nakalipas at nagpahayag ng kanyang pagnanais na makalaro para sa pambansang koponan.
Ang Pilipinas at Chinese Taipei ay sasamahan ng New Zealand at Thailand sa kanilang qualifier at ang mananalo matapos ang double-elimination ang siyang aabante sa World Baseball Classic main event sa 2013.
Ang WBC na may basbas ng International Baseball Federation (IBAF), ay pinalawig sa taong ito dahil wala na ang team sport na ito sa Olympics.