MANILA, Philippines - Kumana ng 15 puntos si Alvin Detubio para pangunahan ang STI sa 80-70 panalo sa Our Lady of Fatima University at mapanatili ang malinis na karta sa pagbabalik aksyon sa 12th NAASCU juniors basketball na nilaro nitong Miyerkules ng gabi sa Lumera Towers sa Legarda, Manila.
Naghabol sa first half ang STI at sa ikatlong yugto, tuluyang lumabas ang angking husay sa paglalaro matapos ang 24-9 palitan para ilayo ang sarili sa 62-48 iskor papasok sa huling yugto.
Sina John Roy Parinas at Arjay Napenas ay may tig-12 puntos habang si Erven Silverie ay may 11 para sa Junior Olympians na umangat pa sa standings sa 4-0 karta.
Sina Karl Lingat at Jowel Termulo ay may 12 at 11 puntos pero sila lamang ang natatanging manlalaro ng Jr. Phoenix na may doble-pigura para malaglag ang koponan sa 2-2 baraha.
Nakasalo pa rin ang Centro Escolar University sa liderato nang kunin ang ikaapat na sunod na panalo laban sa AMA University, 83-66.
Ang host school St. Clare College-Caloocan ay nanalo naman sa New Era, 91-75, para sumalo sa OLFU sa ikatlo at apat na puwesto (2-2).
May 27 puntos si Christopher Bitoon para pamunuan ang apat na Junior Saints na nakapaghatid ng 10 puntos pataas upang ipalasap sa Junior Hunters ang kanilang ikaapat na sunod na pagkatalo para malagay sa huling puwesto.