Amit, Centeno pasok Last 24, Ranola pinatalsik na ni Chen

MANILA, Philippines - Ipinagpatuloy nina Rubilen Amit at 13-anyos Cheska Centeno ang magandang ipinakikita sa group eliminations para makapasok sa main draw ng WPA 4th Annual Yalin Women’s World 10-Ball Championship sa Robinson’s Galleria sa Ortigas.

Kinalos ni Amit si CY Chou ng Chinese-Taipei, 6-4, sa Group 7 kahapon at bagamat may dalawang laro pa siya, naselyuhan na niya ang puwesto sa Last 24 sa bitbit na 3-0 karta.

“Mahalaga pa rin na maipanalo ko ang last two games ko dahil maaaring masama agad ako sa Final 16,” wika ni Amit na kampeon ng Women’s World 10-Ball Championship apat na taon na ang nakalipas.

Pinawi naman ni Centeno ang kabiguang naunang nilasap kay Yu Ram Cha ng Korea, 2-6, nang padapain si A.Mazhirina ng Russia sa dikitang 6-5 panalo para makuha ang 3-1 karta sa Group 1.

Ito ang unang pagkakataon na nasali si Centeno sa larong ito at nakatiyak na siya ng makulay na pagtatapos dahil sa pag-abante sa main draw.

Sibak naman ang double gold medalist sa 2011 SEA Games na si Iris Ranola nang lasapin ang ikatlong kabiguan sa kamay ni SM Chen ng China, 0-6.

Show comments