MANILA, Philippines - Nagising ang Energen Pilipinas Under 18 sa ikatlong yugto at nagsimulang magtrabaho tungo sa 99-72 tagumpay laban sa Bahrain sa pagtatapos kahapon ng second round ng 22nd FIBA Asia U18 Championship sa Buyang-Ukhaa Gym sa Ulan Bator, Mongolia.
Malamya ang simula ng tropa ni coach Olsen Racela dahilan upang maiwanan sila ng Bahrain sa 13-22 at 35-46 sa unang dalawang yugto.
Ngunit matapos ang usapan sa dugout, nagseryoso ang Pambansang koponan at sina J-Jay Alejandro at Jerie Pingoy ang nanguna sa mga kasamahan sa pagtala ng tig-10 puntos upang ma-outscore ang katunggali, 38-15, at lumayo sa 73-61 papasok sa huling 10 minuto ng labanan.
“Big second half vs Bahrain! Down by 11 at the half, we came back and won by 27. That’s a 38-point turnaround,” wika ni Racela sa kanyang tweeter.
“Now if we can play that way for the whole game in the quarters, we’ll have a chance,” dagdag nito.
Tinapos ng koponan ang second round bitbit ang 4-1 karta pero ang inasam na ikalawang puwesto sa Group F ay hindi nangyari dahil ginulat ng ChineseTaipei ang Iran, 78-77, sa overtime para sa 3-way tie.
Lumabas sa quotient na mas mataas ang Iran at Taipei para malagay ang Pilipinas sa ikatlong puwesto habang ang Saudi Arabia na nakatabla sa 1-4 ang Bahrain at Indonesia, ang kumumpleto sa umabante sa knockout quarters dahil sa mas magandang quotient.
Ang katapat ng Pilipinas sa quarterfinals ay ang Korea na natalo ng nagdedepensang China sa overtime, 107-102.
Hanap ng Energen na manalo sa Korea upang mahigitan ang fifth place na pagtatapos na naabot noong 2010 sa Yemen na hinawakan ni coach Eric Altamirano.