Gilas pinasuko ang Japan

TAIPEI--Napanatili ng Smart Gilas Pilipinas II ang kanilang malinis na kartada matapos takasan ang Japan, 88-84, sa 34th Williams Jones Cup International Basketball Tournament kagabi dito sa TPEC Gymnasium.

Nagbida para sa 4-0 record ng Nationals sina naturalized Marcus Douthit, Jeff Chan at Gabe Norwood.

Matapos kunin ng Smart Gilas II ang first period, 26-23, kumamada naman ang Japan (2-3) mula sa kanilang 24-10 pagresbak upang agawin ang halftime, 47-36.

Ipinoste ng mga Japanese ang isang 13-point lead, 71-58, sa third quarter hanggang makalapit ang Nationals sa 78-79 galing sa three-point shot ni Chan sa ilalim ng huling apat na minuto sa final canto.

Tuluyan nang nakamit ng Smart Gilas II ang una­han sa 81-84 mula sa tres ni Norwood at undergoal stab ni Douthit sa huling 1:36 ng laro.

Huling naghamon ang Japan sa 84-86 galing sa tres ni Takatoshi Furukawa kasunod ang dalawang freethrows ni Chan para selyuhan ang tagumpay ng Nationals.

Samantala, tinalo naman ng three-time defen­ding champion Iran (4-0) ang U.S. team (3-1) sa isang kontrobersyal na double overtime, 97-89.

Makakaharap muna ng Nationals ang Lebanon (0-4) sa alas-8 ng gabi, habang lalabanan ng Iranians ang Chinese Taipei B (0-4).

Makakatagpo ng Smart Gilas II ang Iran bukas ng alas-3 ng hapon.

Show comments