PBA giant
May bagong aabangan ang mga PBA fans--ang higanteng si June Mar Fajardo.
Si Fajardo ang naging top pick sa rookie draft nung Linggo at agad-agad ay marami ang umasa na magiging malaki at malakas ang kanyang impact sa PBA.
May taas na 6’10 si Fajardo sa murang edad na 22. Kung titingnan mo ang kamay niya ay halos kasing-laki ng baseball gloves. Size 17 ang mga sapatos niya.
Hindi ko pa masyado nakilatis ang laro ni Fajardo pero sa aking alam ay ibang klaseng 6’10 ito. Mas magaling sa ibang big men sa PBA.
Kaya naman marami ang mag-aabang sa kanyang unang laro para sa Petron.
Maraming pahihirapan si Fajardo sa PBA dahil nga sa laki niya ay nakakakilos siya ng mahusay. In short, hindi siya lalampa-lampa.
Nakausap natin si Fajardo matapos siyang ma-draft, at masaya ang kanyang tinig. Excited din siya.
Nagpasalamat siya sa mga tumulong sa kanya habang naglalaro siya sa University of Cebu, lalu na ang kanyang coach na si Roel Gomez, ang dating player ng Alaska.
Binigyan din daw siya ng mahahalagang tips ni Ramon Fernandez, ang four-time MVP sa PBA, na naka-base din sa Cebu. Salamat din daw.
Mababa ang boses ni Fajardo. Parang nanggagaling sa balon. Ganun din naman yata ang ugali niya. Mukhang hindi mayabang. Mapag-kumbaba.
Kahit si B-Meg (San Mig Coffee Mixers na ngayon) coach Tim Cone ay panay ang puri sa kanya.
Kinumpara nga ni Cone si Fajardo kay Kareem Abdul Jabar, maliban lang siguro sa pinasikat na hook shot ng Amerikanong seven-footer.
Siniguro na ni Cone na magiging dominanteng player si Fajardo sa PBA. Pang MVP pa nga daw. Para nga daw itong 6’10 na Danny Ildefonso.
Tiyak maraming susupalpalin.
Mahirap tumutol o kumontra sa sinabi ni Tim Cone. Hindi naman niya itataya ang kanyang salita kung hindi siya sigurado sa mga nakita niya kay Fajardo.
Sige nga June Mar, pasiklaban mo kami.
- Latest
- Trending