MANILA, Philippines - Umarangkada agad ang St. Clare sa 30-8 start upang madaling pataubin ang City University of Pasay sa 100-54 panalo sa idinadaos na 12th NAASCU men’s basketball sa New Era University sa Quezon City.
Isang manlalaro lamang ng Saints ang hindi nakapuntos para katampukan ang nagbabagang opensa at ang host school ay umangat pa sa 5-0 karta para sa solong liderato.
Si Jammer Jamito ay naglista ng 14 puntos, si Jeff Viernes ay may 13 at pinagsamang 33 puntos ang naihatid nina Eugene Torres, Josue Diswe at Robin Dulalia para sa Saints na ipinalasap naman sa Eagles ang ikalimang sunod na panalo.
Kuminang din ang laro ng STI College at New Era University nang nagsipanalo sa kanil-kanilang kalaban.
Si Cedri Ablaza ay mayroong 25 puntos at pinangunahan ang mainit na opensa sa ikatlong yugto para masungkit ng Olympians ang ikatlong panalo matapos ang apat na laro gamit ang 89-72 panalo sa AMA University.
Gumawa ng 20 puntos ang STI sa ikatlong yugto habang pinahintulutan lamang ng kanilang depensa ang Titans sa ikatlong yugto upang hawakan na ang 65-46 kalamangan.
Si Jefferson Arceo ay mayroong 20 puntos pero nalaglag pa rin ang AMA University sa 1-3 baraha.
Tumikim naman ang ikalawang panalo sa limang laro ang New Era matapos pabagsakin ang Our Lady of Fatima University, 64-57.
Nilimitahan lamang ng Hunters sa 11 puntos ang Phoenix sa huling yugto para masayang ang naunang naipundar na 36-29 kalamangan sa halftime.